Toxic Na Misis At Iba Pang Dahilan Kung Bakit Nangaliwa Si Hubby

 Bago pa lang sa pagpapamilya. Sobrang hirap pala talaga.

Matagal kaming hindi okay ng asawa ko. Noong isang taon pa. How many times ko rin siyang nahuling may babae—kahit noong bagong kasal palang kami.

Ngayong mag-asawa na kami, mayroon nanaman siyang iba. Katrabaho niya kasi. Nag-usap na kami ng babae, tinigilan na raw nila. Naging good kami ng girl pero kami ng mister ko, hindi na. Para sa kanya, hiwalay na kami.

Long-distance relationship kami. Solo kong inaalagaan ang maliit na anak namin. Ako lahat ang gumagawa ng gawaing-bahay at pag-aalaga, etc. Tinutulungan din naman ako ng mga biyenan ko.

Ayaw na talagang ayusin ng mistrer ko 'yung pamilya namin. Ito raw ang ilang dahilan na mga sinabi niya.

Toxic daw ako

Siguro dahil madalas ko siyang awayin. Dahil din naman ito sa mga desisyon niya. Nakikipag-inuman sa halip na umuwi na. Ilang buwan kayong hindi nagkita, tapos sa kaibigan pa mapupunta ang oras niya.

Hindi ako mahigpit. Hinahayaan ko pa nga sila dati. Ipinagluluto ko pa ng pulutan. Tinutulungan ko pang magligpit pagkatapos.

Hindi ko raw siya ni-rerespect

Ayaw niyang nagsasabi ako sa ibang tao ng mga problema namin. Naintindihan ko naman siya, pero nang minsan akong sa kanya nagsabi, hindi naman niya ako pinakinggan. Pumasok sa isang tenga, pero lumabas lang din sa kabila.

Wala raw akong plano o pangarap sa buhay

Stay-at-home mom ako. Nag-resign ako sa work para maalagaan ko ang baby namin. Masaya naman at talagang natututukan ko. Dati sabi niya okay lang daw maging stay-at-home mom ako. Ngayon, hindi na niya maalalang sinabi niya iyon.

Siya marami siyang mga goals. Gusto raw kasi niya ng magandang buhay para sa kanyang pamilya. Ako, okay na ako na hindi ganoon kayaman. Basta buo ang pamilya ko at maganda ang pagpapalaki sa anak ko.

Attitude ko raw talaga ang problema niya sa akin. Matapang ako pero marupok din. Nagagalit siya na naging mahigpit ako sa kanya. Lagi na kasi akong nagdududa.

Sabi ko sa kanya, kung tumino lang siya noong unang beses na sinabihan ko siya, hindi kami nahihirapan ngayon.

May mga pagkukulang ako. Pero pilit kong pinupunan ang mga iyon. Gusto kong alagaan siya tuwing nandito siya, pero sino namang gaganahan kung tuwing uuwi siya may nalalaman ako?

Palagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil pinapatatag Niya ako. Hindi ko alam kung postpartum depression na itong dumapo sa akin dahil sa sobrang sakit at hirap ng mga nangyayari. O baka meron lang ako nito, hindi ko lang napapansin.

Madalas kasi iritable ako. Madalas galit, lalo na sa kanya. Mas gusto ko na kami na lang ng anak ko. Ayaw ko siyang kausap.

Minsan naiisip ko na ring sumuko na lang at magpakalayo. Kaya lang, lagi namang hinahanap ng anak ko ang tatay niya. Naaawa ako na lumaki siyang hindi buo ang pamilya.

May natitira pa ring kaunting pag-asa sa akin na magbabago ang asawa ko dahil nagsisimula pa lang kami. Sobrang dami pang adjustments na kailangan. Mabait naman kasi talaga siya at maalaga sa bata lalo na nung nanganak ako.

Maa-appreciate ko ang advice ninyo. Lalo na kung ano 'yung dapat baguhin at ayusin sa akin.