Walang face mask pinagmumulta ng P13,400
Daan-daang tao, British at dayuhan, ang pinagmumulta na sa hindi pagsusuot ng face mask sa bansang United Kingdom.
Pinaiiral na ang sapilitang pagsusuot ng face mask sa harap ng sumisirit na mga kaso ng coronavirus disease-19 na pinalalala ng pagdating ng Omicron variant sa nasabing bansa.
Bawal nang sumakay sa mga pampublikong sasakyan gaya ng tren at bawal ding pumasok sa anomang uri ng shop ang sinomang walang face mask at pinagmumulta ang mga ito ng 200 pound sterling o katumbas ng P13,400 sa Pilipinas.
Magkagayunman, bababa ang multa ng kalahati kung mababayaran ito sa loob ng 14 na araw.
Kahit nagmulta na ang mga pasahero o suki ng mga shop, pinagbabawalan pa rin silang sumakay o pumasok.
Dahil na rin sa pagdami ng mga ayaw sumunod sa patakaran at nagpapakita ng katigasan ng ulo, nagdagdag na rin ang mga kompanya ng tauhan para sanggain ang mga ito.