Matapos ang pagkalas nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon sa TAPE Inc., lumutang na ang mga pangalan ng magiging bagong host ng ‘Eat Bulaga’.
Ayon sa source ni Abante entertainment editor/columnist Jun Lalin, magla-live na muli sa Lunes ang ‘Eat Bulaga’ at sasalang na rin umano ang mga bagong host nito.
Kabilang sa mga host ay si Paolo Contis, komedyante na si Betong at Buboy Villar at ang dating miyembro ng ‘Tropang LOL’ na si Alexa Miro.
Kabilang din umano ang dating miyembro ng ‘It’s Showtime’ na si Kuya Kim ngunit tuwing Sabado lang ito dahil mula Lunes hanggang Biyernes ay nasa ‘TiktoClock’ ito.
Dagdag pa ng source ni Lalin, bukod sa mga nabanggit ay may papasok pa umanong ibang host sa nasabing programa.
Matatandaang kamakailan lang ay nilisan na ng TVJ at iba pang host ang TAPE. Bukod sa TVJ, kumalas na rin sina Ryzza Mae Dizon, Maine Mendoza, Paolo Ballesteros, Jose Manalo, Wally Bayola, Ryan Agoncillo at Allan K.